44 Chinese, 9 Pinoy tiklo sa pagpapatakbo ng POGO kahit may quarantine sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2020 07:33 PM | Updated as of Apr 25 2020 08:12 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Arestado ang 53 katao sa umano'y pagpapatakbo ng Philippine offshore gaming operations (POGO) sa Parañaque City sa gitna ng pagpapairal ng enhanced community quarantine, Biyernes.

Kinabibilangan ng 44 Chinese nationals at 9 Pinoy ang inaresto, ayon sa Parañaque police.

Ayon kay Parañaque Police chief Col. Robin King Sarmiento, nagpapatrol ang mga pulis nang may magsumbong sa kanila ukol sa grupo ng mga lalaki na may dala umanong baril.

Pinuntahan ng mga pulis ang isang bahay sa NAIA Road at tumambad sa kanila ang ilang tao sa labas ng bahay na nagtakbuhan papasok nang makita sila.

Agad na sinalakay ng pulisya ang nasabing bahay, kung saan nalaman umano nila na pinapatakbo ito ng ilang Chinese nationals.

Pero nang magbigay ng papeles ang ilang dayuhan, ang kompanya na nakalagay sa kanilang dokumento wala sa listahan ng pulisya.

Hinuli lahat ng mga tao sa sinasabing illegal POGO office at kinumpiska na rin ang nasa 36 na laptop at 17 desktop computer.

May nakita rin cash na aabot sa higit P1.3 million at may 5 baril pa.

Dinala sa Parañaque City police station ang mga nahuli na nahaharap sa patong patong na kaso, kabilang na ang pag-operate ng ilegal na POGO, pagdala ng baril at pagtitipon sa labas ng bahay kahit naka-enhanced community quarantine ang Metro Manila.

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.