Rescue ops muling ikinasa sa gumuhong pamilihan sa Porac

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2019 04:05 PM

PORAC, Pampanga — Muling inumpisahan ng rescue team nitong Huwebes ang pagkalkal ng mga malalaking bakal at semento sa gumuhong Chuzon Supermarket sa bayan na ito.

Matatandaang Miyerkoles nang pansamantalang itigil ang operasyon dahil sa banta ng aftershocks. 

Target nilang tumbukin ngayon ang ground floor ng apat na palapag na gusali, na napuruhan at gumuho noong Lunes matapos ang magnitude 6.1 na lindol sa ilang bahagi ng Luzon. 

Naitala ang sentro ng lindol sa Castillejos, Zambales, pero malala ang tama sa Pampanga. 

Sanib-puwersa sa rescue and retrieval operations ang Engineer Combat Battalion ng Philippine Army, mga tauhan ng Philex Mining, Bureau of Fire Protection, at 5th Fighter Wing ng Philippine Air Force.

Ito'y sa kabila ng pahayag ng pulisya noong Miyerkoles ng gabi na wala na silang nakikitang senyales ng buhay gamit ang life detector machine.

Walang nang nakuha pang ibang biktima sa gusali simula Martes.

Determinado naman ang rescue team na tapusin ang kanilang misyon ngayong araw.—Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.