Nagpakilalang empleyado ng LTO inaresto dahil sa pangingikil

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2019 04:15 PM | Updated as of Apr 25 2019 07:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Timbog sa entrapment operation ang nagpakilalang empleyado ng Land Transportation Office (LTO) na nangakong mailalabas niya ang isang kinumpiskang colorum na van kapalit ng pera.

Sa video na kuha ng Quezon City Police District (QCPD), kita ang pag-aresto sa suspek na si Analyn Santos matapos tanggapin ang marked money mula sa biktima.

Reklamo ng biktima, nakapagbigay na siya ng paunang P65,000 sa suspek anim na buwan na ang nakalipas para sa pag-release ng kaniyang colorum na van. 

Pero humingi pa umano ng pera ang suspek kaya nagpasya na siyang ipaaresto ito.

"Humingi ulit ng P20,000. Sabi niya kaya niyang ilabas ang van namin, manloloko lang po siya eh," kuwento ni alyas Niks. 

Inamin naman ng suspek ang krimen. 

"Dati po kasi nakakapaglabas ako ng colorum na van, naaayos ko naman," sabi ni Santos. 
 
Paalala naman ng QCPD, huwag makikipagtransaksiyon sa mga fixer.

"Ilegal ito at ano man na nakukuha niyang pera ay hindi napupunta sa gobyerno," sabi ni Police Capt. Marvin Inocencio.

Nakikipag-ugnayan na rin ang QCPD sa LTO para mahuli ang iba pang kasabwat ng suspek. —Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.