Clearing ops sa gumuhong pamilihan sa Porac umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2019 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsimula na nitong Huwebes ang clearing operations sa nagibang Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga matapos masigurong wala nang buhay ang kailangang isalba sa ilalim ng mga guho.

Lunes nang gumuho ang 4-palapag na gusali, na napuruhan matapos ang magnitude 6.1 na lindol sa ilang bahagi ng Luzon. 

Naitala ang sentro ng lindol sa Castillejos, Zambales, pero malala ang tama sa Pampanga. 

Miyerkoles ng gabi naman nang ihayag ng pulisya na wala na silang nakikitang senyales ng buhay gamit ang life detector machine.

Sa huling ulat, napasok na ng rescue team ang ground floor ng pamilihan, partikular ang baggage counter at mismong grocery store. 

Natanggal na rin ang bubong kaya kakalkalin na ang mga poste para tuluyang ma-demolish ang buong gusali. 

Inaasahang magtatagal ang clearing operations hanggang tatlong araw. 

CCTV INILABAS

Nitong Huwebes din ay inilabas na ang mga CCTV footage sa loob ng Chuzon Supermarket kung saan makikita ang mga eksena bago ang matinding disgrasya.

Sa isang video sa second floor, kita kung paano niyanig at bumagsak ang kisame ng Chuzon Supermarket.

Ayon sa Pampanga Provincial Police Office, malaking tulong ang CCTV sa kanilang imbestigasyon. 

Tinitingnan ng mga awtoridad ngayon kung angkop ba ang ginamit na mga materyales sa paggawa ng 4-palapag na supermarket. 

Pinag-aaralan na rin ang mga dokumento ng Chuzon Supermarket, na may walo pang ibang branches.

—Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.