Cease and desist order, inihain sa pribadong paaralang napinsala ng lindol

Sharon Evite, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2019 07:55 PM

TACLOBAN CITY – Nagpalabas ng cease and desist order ang pamahalaang local ng Tacloban laban sa isang pribadong paaralan matapos na mabatid na hindi na ligtas sa publiko ang gusali nitong nagtamo ng pinsala nang yanigin ng magnitude 6.5 na lindol ang Visayas.

Ipinatitigil pansamantala ang operasyon ng Asian Development Foundation College sa Burgos Street "until further inspection by building officials" ng City Engineer’s Office (CEO).

Sa post-earthquake structural usability evaluation na isinagawa ng CEO, nabatid na ang gusali ng paaralan ay “Not Safe for Public Use” dahil sa tinamong pinsala sa lindol.

 

Nagkabitak ang ilang bahagi ng eskuwelahan, kasama na ang column sa harapan ng gusali nang makaranas ng intensity 5 ang Tacloban.

Hindi naman tinanggap ni Eduard Chua, ang presidente ng eskuwelahan, ang inihaing cease and desist order nitong Miyerkoles.

Giit niya, may mga eksperto na nag-assess ng kalagayan ng kanilang building at sinabing ligtas ang mga ito.

Malaki ang paniwala ni Chua na pulitika ang dahilan ng pagpapalabas ng cease and desist order dahil hindi na kaalyado ng kaniyang kapatid na si Tacloban City Councilor Edwin Chua ang mga Romualdez.

Dagdag pa ni Chua, ang nakikitang malaking bitak sa column ng gusali ay hindi dapat ikabahala dahil architectural design lang ito.

Tumanggi naman ang mga namamahala ng paaralan sa hiling ng media na makapasok sa gusali upang makita ang sitwasyon sa loob.

Ani Chua, pinapaayos na nila ang kaunting sira sa loob ng paaralan. Para makasigurado, nakatakda na rin umanong suriin ng kanilang pribadong retrofitting at structural engineers ang kanilang gusali.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.