PatrolPH

Bilang ng mga Pinoy na nagugutom nabawasan noong Enero-Marso: SWS

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2019 03:18 PM

Bumaba ang bilang ng mga Pinoy na nagugutom sa bansa sa unang tatlong buwan ng 2019, ayon sa resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong Marso. 

Batay sa survey, 9.5 porsiyento o tinatayang nasa 2.3 milyong kabahayan sa Pilipinas ang nakaranas ng gutom, mas mababa sa 10.5 porsiyento o 2.4 milyong kabahayan noong huling quarter ng 2018. 

Bumaba din sa 387,000 pamilya ang nakaranas ng gutom sa Metro Manila, batay sa resulta ng survey. Mas mababa ito sa 581,000 pamilya noong Disyembre. 

Bumaba rin ang bilang ng mga nagugutom sa Mindanao sa 6.1 porsiyento o 345,000 pamilya, mula 8.3 porsiyento o tinatayang 443,000 pamilya. 

Ngunit lumabas din sa survey na bahagyang tumaas ang bilang ng mga nagugutom sa Balance Luzon, na nasa 10.3 porsiyento o 1.1 milyong pamilya. 

Tumaas naman ang bilang ng mga nagugutom sa Visayas sa 10 porsiyento o 472,000 pamilya. 

Naniniwala ang Malacanang na ang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong nagugutom ay bunsod ng "political will" at matibay na pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansa. 

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, patunay ang mga datos na epektibo ang mga hakbang ng gobyerno.

-- May ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.