PatrolPH

2 patay, 2 tinutugis sa tangkang rape sa babae sa taxi

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2019 03:24 PM | Updated as of Apr 25 2019 03:39 PM

Patay sa engkuwentro ang dalawang lalaki na umano'y nagtangkang mandukot at manggahasa sa isang babae sa loob ng isang taxi sa Quezon City nitong madaling araw ng Huwebes. 

Kuwento ng biktimang si alyas "Ella," naglalakad siya papunta sa kaniyang bahay sa Barangay Batasan noong alas-2 ng madaling araw nang tigilan siya ng isang paikot-ikot na taxi. 

Puwersahan umano siyang pinapasok sa sasakyan ng apat na sakay nito. 

"Nasa loob na ako ng taxi, sinabihan ako na 're-rape-in ka namin', huwag ka magsalita, lahat ng papagawa namin sa'yo gawin mo," ani Ella. 

Doon umano nakita ng isang concerned citizen ang nangyayari sa taxi at ini-report ito sa pulis. 

Nilapitan umano ng mga pulis ang taxi nang magpaputok ang mga suspek. 

"Paglapit nila (pulis) bigla silang pinaputukan siyempre pinagtanggol 'yung sarili nila. Nagkaroon ng encounter, at napatay 'yung suspek," ani Batasan police station chief Lt. Col. Joel Villanueva. 

Tinutugis ng pulisya ang dalawa pang nakatakas. 


-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.