TNVS drivers idinaing ang mga pasaherong pasaway

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 11:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humiling ang mga mula sa transport network vehicle service (TNVS) ng patas na pagtrato mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at publiko matapos lumabas kamakailan sa social media ang mga reklamo laban sa kanila.

Sa pulong nitong Miyerkoles ng LTFRB at TNVS sector, ibinahagi ng mga driver na maging sila'y nakakaengkuwentro ng mga pasaway na pasahero.

Ipinarinig sa pulong ang audio recording ng sagutan sa pagitan ng driver na si Chito Obusa at ng isang lasing na pasahero.

Kuwento ni Obusa, nagalit ang pasahero nang paalalahanan niya na baka sukahan ang kaniyang kotse matapos sumuka sa bag.

"Walang problema sa 'kin bastos ka kausap. Oo, nakainom ako pero dito sa bag ko isinuka kaya galang sa 'yo 'yon. Waterproof ang bag ko, kuya. Kahit gustong-gusto kong sumuka sa sahig," pasigaw na sabi ng pasahero sa recording.

"Ma'am, sabi mo dapat sa upuan ko na lang isinuka," tugon naman ni Obusa.

"Wala akong sinabing gano'n, huwag kang bastos ha," anang pasahero.

Bukod sa away, ikinuwento ni Obusa, na dalawang taon nang TNVS driver, na naranasan na niyang maihian ang sasakyan ng lasing na pasahero at kanselahin ng pasahero ang booking matapos maghintay ng matagal.

Inulan ng batikos ang mga TNVS driver kamakailan matapos kumalat sa social media ang mga reklamo dahil sa umano'y pagkansela nila sa ilang bookings o mga biyahe.

Bukod sa mga pasaway na pasahero, inireklamo rin ng mga driver ang pagtago sa kanila ng Grab sa destinasyon ng kanilang pasahero bago nila tanggapin ang booking.

Ayon kay Arnel Caluya, miyembro ng TNVS sector, maaari kasing iba ang distansiya ng biyaheng ipapakita sa mismong app sa distansiya ng rutang ituturo ng mga navigation app gaya ng Waze.

Magsisimula ang pagtago ng destinasyon sa Biyernes, Abril 27.

Pero ayon kay LTFRB board member Aileen Lizada, mainam na bigyan muna ng pagkakataon ang bagong hakbang ng Grab, lalo at sinusubukan mabawasan ang pagkakansela sa mga biyahe.

"We welcome the move ng Grab to unmask the destination kasi 'yon 'yong karamihan na complaints, concerns ng riding public na naka-cancel sila," ani Lizada. 

Sa mga patakaran kasi ng LTFRB, ipinagbabawal ang pagtanggi ng mga pampublikong sasakyan sa pasahero.

Pag-aaralan din daw ng LTFRB na magkaroon ng "cleaning fee" na sisingilin sa mga rider para sa mga insidente na nadudumihan nila ang mga sasakyan.

Inaayos na rin ng ahensiya na magkaroon ng security protocol ang mga TNVS sakaling malagay sila sa alanganin.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.