Sister Fox ng Australia, pinaaalis ng Pilipinas sa loob ng 30 araw

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 12:37 PM

Kinansela ng Bureau of Immigration (BI) ang missionary visa ng madreng si Patricia Fox mula Australia matapos umanong mapatunayan ng ahensiya ang pakikilahok nito sa mga politikal na aktibidad sa kabila ng pagiging dayuhan.

“She (Fox) was found to have engaged in activities that are not allowed under the terms and conditions of her visa,” ani BI commissioner Jaime Morente.

Nakapaloob din sa utos na binibigyan na lamang si Fox ng 30 araw para mamalagi sa Pilipinas.
 
Pinawalang-bisa rin ng BI ang alien certificate of registration ni Fox matapos makita ang isang larawan ng madre na nasa isang anti-government rally.

Matatandaang dinampot si Fox noong isang linggo at pinalaya rin matapos ang isang araw para bigyang-daan ang isang imbestigasyon.

Inako din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapaimbestiga kay Fox.

Nauna nang itinanggi ng BI na pinag-iinitan nila ang mga kritiko ng Pangulo matapos masita dahil sa pagtataboy kay Giacomo Filibeck ng European Socialist Party.

Kinondena naman ng abogado ni Fox na si Jobert Pahilga ang kautusan ng BI dahil paglabag daw ito sa due process gayo'ng hindi pa naipapasa ng madre ang kaniyang counter affidavit.

"What we received [Tuesday] was the supplemental report of the intelligence division. We were given 10 days to supposedly file our counter affidavit. That's why we were surprised there was an order by the BI to forfeit her visa," ayon kay Pahilga.

Nanindigan ang abogado na walang halong politika ang mga ginagawa ni Fox at kukuwestiyunin din nila ang kautusan sa korte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.