Red tide alert, nakataas pa rin sa Honda Bay

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 04:37 PM

Ipinagbabawal pa rin ang pagkain ng shellfish na nakuha mula sa Honda Bay dahil patuloy na nakataas and red tide alert doon, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

PUERTO PRINCESA CITY - Nakataas pa rin ang shellfish advisory sa Honda Bay sa Puerto Princesa matapos mag-positibo sa red tide toxin nitong Marso 20, ayon sa Bureau of fisheries and Aquatic Resources.

Sa pinakahuling toxin analysis na hawak ng ahensiya, pumapalo pa rin ang paralytic shellfish poisoning toxin level nito sa 110.18 saxitoxin per 100 grams of shellfish meat o halos doble ng regulatory limit.

Malaki umano ang epekto ng mainit na panahon at domestic waste sa patuloy pa rin na pagdami ng mga organismo na dinoflagellates kung kaya’t nagkakaroon ng red tide.

Dahil rito, mahigpit pa rin ipinagbabawal ang pagkain at pagbenta ng anumang uri ng shellfish at alamang mula sa Honda Bay.

Naka-monitor naman ang mga ahensiya pagdating sa kaligtasan ng mga pagkain. Inaasahan rin nila ang pagdami ng dadayo sa Puerto Princesa sa pagpapasara ng Boracay Island sa Huwebes.

Nilinaw ng BFAR na walang epekto sa mga turista ang pagligo sa Honda Bay pero mas malaki ang epekto nito pagdating sa mga pagkaing ihahain.

Titiyakin umano nilang walang makakapuslit na mga shellfish na galing sa Honda Bay.

Dagdag din ng BFAR na pwedeng kainin ang mga isda mula sa mga apektadong lugar kung aalisin ang hasang at atay. 

Ligtas din kainin ang mga shellfish mula sa ibang barangay ng lungsod na hindi apektado ng red tide.

Payo ng ahensiya sa mamimili na hanapan ang tindera ng certificate of source of origin o katibayan kung saan nagmula ang ibinebentang lamang dagat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.