PDEA, ilalantad ang 'validated' narco-list mula sa Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 10:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isasapubliko na sa Biyernes ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa 211 pangalan ng barangay officials na nakatala sa "validated" narco-list mula mismo sa Malacañang.
    
Ayon kay PDEA chief Director Gen. Aaron Aquino, si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nag-utos na ilabas ang listahan ng mga barangay chairman at kagawad na sangkot sa kalakalan ng droga. 

"I will release the list of the barangay officials who are involved in drugs...I'm assuring everyone that this list is a validated list, as this came from Malacañang and all intelligence units," pagtitiyak ni Aquino. 

Kahit pa tatlong linggo na lang bago ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo 14, hindi na umano mapipigilan ang PDEA na isapubliko ang narco-list.

"Papaano namin maki-clear ang isang barangay kung adik ang isang barangay captain? Kung 'yung kagawad pusher? At lahat mga protektor? 101% [sure] they will use drug money to win the elections," paliwanag ni Aquino. 

Sa listahan na nasa kamay ng PDEA, nasa 89 chairman at 122 kagawad ang sinasabing sangkot sa droga, at karamihan dito ay nagsisilbing protektor.
    
Nauna nang nangamba ang ilang barangay officials sa paglabas ng narco-list dahil sa posibilidad na may inosenteng mapabilang.

Nanindigan naman ang Commission on Human Rights na dapat idaan sa due process ang lahat. 

"If the intention is to cleanse the local government from those involved in drugs, the legal process is the best way to ensure that those proven to be erring local executives can no longer serve or return to public office," pahayag ng komisyon.

Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), matagal na nilang inaabangan ang paglabas ng narco-list.

"It would create this chilling effect of telling voters na iboto ang mga opisyal na may tapang at malasakit para makipaglaban sa ilegal na droga," ani RJ Echiverri, DILG assistant secretary for external & legislative affairs.

Dagdag ni Aquino, handa rin nilang isapubliko ang pangalan ng 93 local officials mula governor hanggang vice mayor na sangkot umano sa ilegal na droga, sakaling ipag-utos ni Duterte. 
    
--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.