Mga pasahero ng tumirik na bus pa-Davao, nagreklamong 'inabandona'

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 06:40 PM

Inireklamo ng mga pasahero ang isang bus na biyaheng Davao matapos silang "abandonahin" sa gitna ng South Luzon Expressway (SLEX) nang bigla itong tumirik Martes ng hapon. 

Kuwento ng pasaherong si Anelito Serrato, papunta sana sila ng Matnog Port para umuwi ng Surigao pero nasira ang bus ng Surigao Express bandang alas-2 ng hapon Martes. 

Bago pa lang daw sumakay, duda na sila sa kondisyon ng bus dahil tila sira ito at hindi kayang bumiyahe. Bukod sa sirang aircon, napakalakas din daw ng buga ng usok nito.

"Galing pa kami sa Tanza, Cavite, tinext kami na makakabiyahe na, tapos biglang ganito na," ani Serrato.

Nang tumirik, doon na napag-alaman na kolorum pala ang bus at wala ring lisensiya ang driver nito. 

Matagal pa silang pinaghintay pero biglang sabi umano sa kanila na hindi na maibabalik nang buo ang pamasahe.

"Hindi naman ako papayag, P4,900 'yung binayaran ko babawasan ng 30 percent eh hindi naman kami nakaalis," reklamo ni Norma Kalinawan, isa sa mga pasahero.

Si Serrato, nasa P29,000 ang kabuuang naibayad sa bus kasama ang apat na kaanak at malalaking bagahe.

Dahil dito, nagtungo ang 19 sa higit 50 pasahero ng Surigao Express sa Pasay City police upang ireklamo ang kompanya.

Hinuli ang dispatcher na kumuha ng mga pamasahe na kinilalang si Benito Ricarte.

"Papunta naman na 'yung may-ari magbabayad siya," depensa ni Ricarte.

Nai-turn over na sa Muntinlupa police ang kaso at nangako naman ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na aaksiyunan ang reklamo. 

Hanggang ngayon, hindi pa umano nagpaparamdam ang may-ari ng bus sa mga pasahero.
    
--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.