Mga manggagawa, kinuwestiyon ang Boracay shutdown sa Korte Suprema

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 02:47 PM | Updated as of Apr 26 2018 09:59 PM

Boracay island, Abril 24, 2018, bago ito ipasara upang bigyang daan ang rehabilitasyon nito. Kuha ni Fernando Sepe, ABS-CBN News

Hinamon nitong Miyerkoles ng mga manggagawa mula Boracay ang legalidad ng pagpapasara ng gobyerno sa tanyag na isla, isang araw bago ipatupad ang naturang "shutdown."

Katuwang ang National Union of Peoples' Lawyers (NUPL), naghain ng petisyon sa Supreme Court (SC) ang mga manggagawa mula Boracay, sa pangunguna ng isang sandcastle-maker at driver, para itigil ang pagsasara ng bakasyunan.

Nais ng petitioners na mag-isyu ang korte ng temporary restraining order at preliminary injunction upang mapigilan ang nakatakdang closure.

“The closure is too oppressive to all persons living and working in Boracay,” sabi ni Angelo Guillen ng NUPL-Panay.

("Masyadong mapang-api ang pagpapasara sa lahat ng mga taong naninirahan at nagtatrabaho sa isla.")

"The island is heavily dependent on tourism. If you take that away from them, it would deprive the people there of their livelihood," dagdag ni Guillen.

("Umaasa ang isla sa turismo. Kapag inalis mo iyon sa kanila, mawawalan ng hanapbuhay ang mga tao roon.")

Respondents sa petisyon sina Pangulong Rodrigo Duterte, Executive Secretary Salvador Medialdea, at Department of the Interior and Local Government officer-in-charge Eduardo Año.

Isasara ang Boracay para bigyang daan ang pagsasaayos at paglilinis sa isla, na napinsala ng polusyon at mga estrukturang lumabag sa mga batas-pangkalikasan.

Una nang sinabi ng mga stakeholder na nasa 36,000 katao ang mawawalan ng kabuhayan sa pagsasara ng isla. Kasama rito ang 17,000 empleyado ng mga hotel at resort, at 19,000 mula sa informal sector.

'NO MERIT'

Pero iginiit ng Malacañang na "walang merito" ang petisyong hinain ng mga manggagawa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, malabong pumanig ang SC sa mga petitioner dahil pinagpasiyahan na mismo nito noong 2008 na pag-aari ng estado ang Boracay.

“While the President respects the Court, we see absolutely no merit for any private party to restraint the closure of Boracay to tourists given that SC itself has previously ruled that Boracay is owned primarily by the state,” sabi ni Roque sa isang statement.

Dagdag pa ni Roque, tuloy ang pagsasara ng isla hangga't hindi naglalabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema.

-- May ulat ni Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.