Mga guro ng public school, puwede nang umayaw sa halalan duty

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 08:13 PM

Mas mataas na ang honorarium at benepisyo na matatanggap ng mga teacher na magsisilbi sa darating na barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo 14.

Sa ilalim ng Republic Act 10756 o Election Service Reform Act, nasa P6,000 ang matatanggap ng Chairperson of Electoral Boards, habang P5,000 naman ang makukuha ng mga miyembro ng Electoral Boards.

Nasa P4,000 naman ang matatanggap ng Department of Education Supervisor Officials (DESO), habang P2,000 naman ang makukuha ng mga support staff.

Dapat umano ay mabayaran ang mga benepisyong ito sa loob ng 15 araw mula sa araw ng eleksiyon.

Makakatanggap din sila ng five days service credit, legal indemnification package, medical assistance, at P500,000 na death benefit kung mamamatay sa halalan.

Ngunit dahil nakasaad din sa bagong batas na hindi na compulsory para sa mga public school teacher na magsilbi sa eleksiyon, hindi pa alam ng Department of Education (DepEd) kung ilan sa tinatayang 800,000 teacher ang hindi magbibigay ng serbisyo.

Sa higit 177,000 clustered precincts, higit 500,000 public school teacher ang kailangan bilang chair, poll clerk, at ikatlong miyembro ng Board of Election Inspector sa bawat presinto.

Isa si Joselyn Martinez sa mga guro na nagdesisyong hindi muna magsisilbi sa eleksiyon.

Pero hindi naman nababahala ang DepEd dito.

Ayon kay Education Undersecretary Tonisito Umali, maaari silang magtalaga ng ibang kuwalipikadong indibidwal tulad ng private school teachers, national government employees, at mga rehistradong botante na hindi konektado sa kahit anong political party.

Sa ngayon, tuloy-tuloy anila ang training sa mga teacher, at maglalabas din sila ng webinar sa kanilang website para mapag-aralan ito ng mga teacher na may internet access.

--Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.