Bala ng kanyon, natagpuan sa junk shop sa CDO

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 01:28 PM

Nasa kustodiya na ng Explosive and Ordnance Division ng Cagayan de Oro City Police ang 105 mm na bala ng kanyon na natagpuan sa isang junk shop. Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO CITY - Narekober ng Explosives and Ordnance Division ng pulisya sa lungsod na ito ang isang bala ng kanyon sa isang junkshop sa Barangay Consolacion.

Isang pulis umano ang nagbigay ng impormasyon sa EOD kaya agad itong nirespondehan.

Ang bala ng kanyon ay napag-alamang isang 105-millimeter artillery na hindi sumabog.

Bagama't walang fuse at kinakalawang na ang bala, posible pa rin itong sumabog dahil may laman pang pulbura, ayon kay Chief Inspector Enrique Belaca-ol.

Inamin ng may-ari ng junk shop na si Prudencia Durano na isang lalaki ang nagdala ng bala at ibenenta sa kaniya matapos ang bagyong Vinta noong isang taon.

Tinanggihan umano niya ito dahil ‘di naman mapapakinabangan at ‘di rin maibenta. Hindi umano niya inaasahan na iiwan ng lalaki ang bala sa kaniyang junk shop.

Nasa pangangalaga na ng EOD ang eksplosibo.

Abiso naman ng awtoridad sa publiko na agad makipag-ugnayan sa pulisyan kung sakaling may makikitang eksplosibo o kahina-hinalang bagay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.