Bagong hepe ng NCRPO inispeksiyon ang selda sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 12:46 PM

Ininspeksiyon ni bagong National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Camilo Cascolan ang detention cell ng Pasay City police kung saan dalawang nakapiit ang napabalitang namatay.

Unang inakalang namatay sa "init" ang dalawang detainee ngunit natuklasang ginulpi pala ang isa dito ng mga kasamahan sa selda.

Iniimbestigahan na ngayon ang jail officer na naka-duty noong may namatay na detainee para tingnan kung ano ang pagkukulang nito.

Bukod sa inspeksiyon, kinumusta rin ni Cascolan ang kondisyon ng mga nakapiit.

"Kumusta kayo dito? Nakakatulog pa ba kayo?" tanong ni Cascolan.

Sa ngayon, nasa 144 ang nakakulong sa selda kahit nasa 45 hanggang 50 lang ang kapasidad nito.

Hindi man sapat para sabay-sabay na makahiga nang maayos, may espasyo na ang mga detainee para makaupo at makatulog.

Nilagyan na rin ng exhaust fan at electric fan ang mga selda para maibsan ang init na dala ng panahon na mas malala pang nararamdaman dahil sa siksikan ng mga inmates.

Nanawagan si Cascolan na bilisan na ang pag-iimbestiga at paglilitis sa mga kaso ng mga inmate para di na gaanong sumikip pa ang piitan.

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.