6 timbog sa 'organisadong' bentahan ng droga sa Cubao apartelle

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 04:31 PM

Nakalagay ang babalang ito sa labas ng apartelle sa Cubao kung saan 6 ang arestado dahil sa droga. ABS-CBN News

Mula sa labas ng isang apartelle sa brgy. Kaunlaran, Cubao, Quezon city ay makikita ang babalang ito na nagsasabing: "Bawal dito ang pusher, user, at magnanakaw."

Pero sa isinagawang buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) station 7 Special Drug Enforcement Unit (SDEU), tatlo sa mga nahuli.

Ito na ang ika-5 beses na nagsagawa ng operasyon ang pulisya sa apartelle.

Ayon sa surveillance ng mga pulis, organisado ang bentahan dito. 

Kikitain ng pusher ang kanilang mga parokyano para kuhanin ang order. Pagkakuha ng order, pupunta ngayon ang tulak sa kuwarto kung nasaan ang kanilang supplies at ito na rin ang magsisilbi nilang drug den. 

Anim ang arestado kabilang na ang dalawang target ng pulis na sina Alyas Bulak at Francis. ABS-CBN News

Sa kabuuan, anim ang arestado sa operasyon at narekober mula sa kanila ang 26 sachet ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, at pera. 

Target ng mga pulis sina alyas "Bulak" at "Francis" na parehong todo-tanggi na nagbebenta sila ng droga.

"Patulog na kami eh tapos bigla silang pumasok. Gumagamit po, pero kadalasan kaming dalawa lang [ni Francis]," ani Bulak. 

Parehong nasa watchlist sina Bulak at Francis. 

Ang kinakasama ni Francis na si alyas "Krishna," pinanindigang hindi pusher ang kaniyang partner dahil iba daw ang trabaho nito.

"Mandurukot po 'yan pero hindi po siya tulak...May sakit kasi siya kaya kailangan magaan lang ang trabaho niya," rebelasyon ni Krishna.

Pero sabi ng mga pulis, kilala umano sa pagbebenta ng droga sa Brgy. Kaunlaran ang mga suspek.

"Base sa surveillance, may mga trike na kumukuha sa kanila so puwedeng mga taga-barangay at katabing baranagy," ani Senior Inspector Ramon Acquiattan, hepe ng SDEU ng Cubao Police.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.