3 lalaking sangkot umano sa pamamaril, arestado sa Bukidnon

Ronnie Enderes, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 03:46 AM

MALAYBALAY CITY, Bukidnon—Nahuli sa manhunt operation ang 3 lalaking sangkot umano sa pamamaril at pagnanakaw noong Linggo.

Arestado nitong Lunes ang 3 suspek sa Barangay Occasion, bayan ng Sumilao sa probinsyang ito.

Nabawi mula sa mga lalaki ang higit P3.2 milyon, 4 na cellphone, passbook, passport, assorted IDs, isang Toyota Revo, isang motorsiklo, helmet at mga backpack. Nakompiska rin mula sa kanila ang 3 MK2 hand grenades.

Ayon kay Police Supt. Alfredo Ortiz Jr., hepe ng Malaybalay City Police, sangkot ang 3 sa pamamaril at pagnanakaw sa isang Medardo Sajonia noong Biyernes sa Fortich Street Sayre Highway.

Nagtamo ng tama ng bala sa tiyan ang biktima. Agad itong isinugod sa ospital at binigyang lunas.

Pinaghahahanap pa ngayon ng mga awtoridad ang isa pang kasamahan ng mga lalaki.

Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Malaybalay City Police ang mga suspek at sasampahan ng kasong robbery with frustrated homicide at illegal possession of explosives.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.