4 trak nagkarambola sa Tondo; drayber sugatan

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2017 12:45 PM | Updated as of Apr 25 2017 01:11 PM

Photo Courtesy of Michael Capinig

Sugatan ang drayber ng isang trak matapos maipit nang dahil sa pagkakabangga sa tatlo pang ibang trak sa Tondo, Maynila Lunes ng gabi.

Pinagtulungang alisin ng mga taga-Department of Public Works and Highways ang pinto ng truck na nawasak sa Road 10, Herbosa, Tondo sa Maynila. 

Naipit sa upuan ang drayber na si Richard de Lara, at kinailangang i-rescue. Sugatan ang binti at tuhod ng drayber na nag-iisang nasaktan sa insidente.

Pangalawa ang trailer na minamaneho ni De Lara sa naging karambola ng apat na trak sa Road 10. 

Nagsimula ang karambola nang hindi umano tumigil sa kalapit na weigh bridge o patimbangan ng DPWH ang isang dump truck na nasa unahan ng trailer ni De Lara. 

"Iniilawan na namin 'yung dumptruck. Ayaw huminto. Inii-spot-an na ng kasama namin. Muntik na kaming masagasaan kaya umiwas na lang ako. Puwedeng overloaded siya kaya 'di tumigil," ayon kay Mark Oxibillo, Precision Instrument Technician ng DPWH.

Dagdag pa ng mga taga-DPWH, inararo na ng dump truck ang mga plastic barrier sa check point kaya ito napatigil, saka naman sumalpok dito ang trailer ni De Lara, na sinundan ng isang wing van, at ng isa pang trailer truck. 

Agad inalis ang dump truck pero inabot na ng alas-3 ng madaling araw bago hinatak paalis ng Road 10 ang mga sumalpok na trak.

Panawagan naman ng mga tauhan ng DPWH sa mga trak na nanggagaling sa pier na sumailalim sa pagtitimbang upang mabantayan ang karga nila sa overloading at nang maiwasang magkamulta sa ilalim ng anti-overloading law. --Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News