PatrolPH

Humanitarian team hinarang umano ng militar sa checkpoint sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2022 07:46 AM

MAYNILA — Apat na oras umanong hinarang ng mga awtoridad ang isang humanitarian team sa isang checkpoint sa Barangay Gumian, Infanta, Quezon.

Sa panayam ng ABS-CBN sa telepono kay Emily Francia, isa sa 11 na miyembro ng Karapatan Southern Tagalog, sinabi nitong nagtungo sila sa Infanta upang siguraduhing mailibing nang maayos ang dalawang nasawi sa isa umanong engkuwentro noong nakaraang linggo.

Bukod sa grupo, kasama rin nila ang driver ng sasakyan at asawa nito.

Sa serye ng mga videos na in-upload sa Facebook page ng Karapatan Southern Tagalog nitong Sabado ng hapon, may isang truck ng militar na umano'y sumusunod sa grupo hanggang sa makarating sila sa checkpoint kung saan sila ay hinarang na.

Ayon kay Francia, una raw hiningi ang vaccination card ng mga miyembro, na agad naman nilang ibinigay. Ive-verify lamang daw ng mga militar sa checkpoint ang mga vaccination card. 

Pero matapos ang ilang minuto, mga valid ID na umano ng mga nakasakay ang hinihingi ng mga awtoridad.

Ayon kay Francia, hindi nila ibinigay ang kanilang ID dahil ito raw ay lumalabag sa Comelec Resolution No. 10741 na nagsasaad na tanging visual search at ruta lamang ang maaaring tanungin sa checkpoints.

Ayon kay Lt. Col. Danny Escandor, Commanding Officer ng 1st Infantry Battalion (IB), sumusunod lang daw ang militar sa direktiba. 

Ang checkpoint aniya ay isang joint operation ng Philippine Army, Philippine National Police at local government unit (LGU) ng Infanta. 

"Kahit nga po saang checkpoint, hinihingi nga po ang ORCR ng motor pati ID ng nagda-drive. Kasi kailangan pong i-verify," sabi ni Escandor. 

Kinailangan umanong hingin ng mga awtoridad ang valid IDs ng grupo upang ma-verify ang pagkakakilanlan at makita kung tugma ang ID, at vaccination cards na ibinigay sa kanila.

Pinabulaanan niyang may nangyaring pangha-harass sa grupo.

Wala umanong katotohanang binuntutan ng militar ang grupo, sabi ni Escandor. 

Ito raw ay mga truck na may loudspeaker na nagpapaalala ng mga COVID protocols sa lugar. "Baka nagkataon lang po na pareho sila ng rutang dinaanan. Matagal na pong nag-iikot-ikot 'yung truck na 'yon dahil nga sa nagpapaalala ng mga 'di dapat gawin kasi may COVID," ani Escandor.

Nakipag-coordinate umano ang grupo sa Commission on Human Rights (CHR), na siyang nakikipag-usap na rin sa nasabing mga awtoridad, ayon kay Francia.

Base sa salaysay ni Escandor, kinausap umano sila ng isang representante mula sa CHR at sinabihang hindi puwedeng hingin ang ID ng mga dumadaan. 

Ngunit pinanindigan ng militar ang direktiba sa checkpoint kaya’t hinintay nilang makapagbigay ng ID ang 6 na indibidwal pa mula sa grupo.

Ayon kay Escandor, bandang alas-6 ng gabi nang makipag-coordinate sa kaniya si Fr. Boyet Valenzuela kung saan humingi ng tulong ang mga naharang na miyembro ng Karapatan Southern Tagalog.

Aniya, pinayagan na lamang nilang makadaan na ang grupo na may kasamang paalala na magbigay na sila ng kanilang mga valid ID sa susunod na dumaan sila sa checkpoint.

Sa isang text message mula kay Francia pasado alas-7 ng gabi, kinumpirma niyang pinalagpas na sila sa tulong ng ilang pari mula sa UCCP Quezon.

FROM THE ARCHIVES

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.