PatrolPH

Nasa 30 bahay sa Quezon City nasunog, 2 nasaktan

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2021 09:26 PM

Dalawa ang nasaktan matapos matupok ng apoy ang nasa 30 na bahay sa Barangay Bagong Pagasa sa Quezon City, Sabado ng gabi. 

Tinatayang 60 pamilya ang apektado ng sunog, na umabot sa ikatlong alarma bago ito ideklarang "fire out" ng mga bumbero, 7:40 ng gabi.

Pasado alas-6 ng gabi nang ireport sa Project 6 fire station ang sunog sa residential area sa Road 16 sa tabi ng creek sa Barangay Bagong Pagasa.

 

Ayon sa inisyal na impormasyon mula sa mga opisyal ng barangay, dikit-dikit ang mga bahay sa lugar at gawa sa light materials tulad ng kahoy kaya mabilis kumalat ang apoy. 

Nahirapan ang mga bumberong pasukin ang lugar dahil sa sikip ng eskinita, at dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy, umabot sa ikatlong alarma ang sunog bandang 6:19 p.m. 

Idineklarang under control ang sunog, bandang 7:15 p.m. Ayon sa mga awtoridad, karamihan sa mga residente ay halos walang naisalbang gamit. 

RELATED LINK:

Ayon sa panayam ng ABS-CBN News sa ilang naapektuhan ng apoy, ang mga nakapaglabas ng gamit ay problemado kung paano dadalhin ang mga ito sa Pagasa Elementary School na magsisilbing pansamantalang evacuation center.

Walang namatay sa sunog pero nagtamo ng first degree burn sa braso at paa si Emmanuel Gaba, 39, habang si Delia Buatro, 61, ay nasugatan naman sa binti.

Patuloy pa ring inaalam ng Bureau of Fire Protection ng Quezon City ang sanhi ng sunog, na posible umanong nagsimula sa ikalawang palapag ng bahay ng isa sa mga residente.

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.