Wheelchair, pagkain ibinigay sa dialysis patient na 6 kilometro tinutulak ng asawa papuntang pagamutan

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 09:40 AM | Updated as of Apr 24 2020 09:49 PM

Watch more in iWantTFC

Bumuhos ang tulong ng netizens para sa dialysis patient na si Loida Fernandez matapos maibalita nitong Huwebes ang kanyang dinaranas sa pagpapagamot dahil sa lockdown.

Unang naibalita ng DZMM ang kalbaryong dinaranas ni Nanay Loida at ng kanyang asawang si Tatay Ernesto sa tuwing kailangan nitong magpa-dialysis.

Kilo-kilometro kasi ang nilalakad ng kanyang asawa para maitulak siya sa wheelchair papunta sa dialysis center sa Fairview at pabalik sa kanilang bahay sa Barangay Batasan Hills.

Unang natupad ang hiling ni Nanay Loida na mabigyan ng bagong wheelchair matapos bigyan ng data analyst na si Arden Enriquez.

Ayon kay Enriquez, ibinigay n'ya sa mag-asawa ang sobra nilang wheelchair na ginagamit ng kanyang kapatid na may cerebral palsy.

"Why not share 'yong blessing kasi, kailangan na kailangan ni nanay. Sana gumaling agad [siya] at makatulong 'yong wheelchair," ani Enriquez.

Bukod pa sa wheelchair, naabutan na rin ng mga pagkain ang mag-asawa na hirap sa pagkuha ng supply lalo na’t nahiwalay sila sa kanilang mga anak at hindi sila mapuntahan ngayong enhanced community quarantine.

Watch more in iWantTFC

Nag-alok din ng libreng sakay ang isang private citizen at sinabing sila na ang maghahatid-sundo kay Nanay Loida kung wala pang mag-a-assist sa barangay.

Labis ang pasasalamat ng mag-asawa nang bumuhos ang tulong sa kanila mula sa netizens.

"Para sa 'kin napakalaking tulong 'yon kasi ilang beses na akong sumubsob [sa luma kong gamit na wheelchair], sira na 'yong gulong. ... Sana po matapos na 'yong mga ganitong krisis para umayos na 'yong lahat ng trabaho ng bawat isa," ani Nanay Loida.

"Mapalad nga kami na isa kami sa napili ninyo. Hindi po matatawaran 'yong ganitong tulong. 'Di bihira sa isang tulad namin. Kahit buhay ko ibibigay ko sa kanya dahil mahal ko siya," ani Tatay Ernesto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.