Isang sundalo ang namatay matapos ang panibagong bakbakan ng militar at ng rebeldeng New People's Army sa bayan ng Bayog, Zamboanga del Sur nitong Biyernes.
Nangyari ang insidente matapos lamang magbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na magdedeklara siya ng martial law kung patuloy ang pag-atake ng mga rebelde habang nakatutok ang gobyerno sa pagpigil ng pagkalat pa ng coronavirus disease.
Ayon kay Col. Leonel Nicolas, commanding officer ng 102nd Brigade ng Philippine Army , nagsasagawa ng pursuit operation ang mga sundalo ng 97th Infantry Battalion sa Barangay Balukbahan nang maka-engkuwentro nila ang mga miyembro ng NPA.
Sa gitna ng palitan ng putok ay natamaan ang isa sa mga sundalo.
Agad naman siyang dinala sa pagamutan, pero binawian din siya ng buhay sa military chopper na naghatid sa kaniya.
Sa isang pahayag ni Lt. Col. Manaros Boransing II, commanding officer ng 97th Infantry Battalion, sinabi nito na malubhang nasugatan ang sundalo kaya hindi na niya nakayanan ang kaniyang mga sugat.
Noong April 21, nakasagupa din ng mga tropa ng 97th Infantry Battalion ang mga armadong NPA sa Balukbahan matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente na nag-e-extort umano ng pera at pagkain ang mga ito sa mga sibilyan.
Umabot nang higit 30 minuto ang bakbakan.
Nakuha ng mga sundalo ang isang M16 rifle, isang improvised explosive device at ilang kagamitan na naiwan ng mga rebeldeng NPA.
Sa ngayon, nagpadala na ng reinforcement team ang militar sa lugar para patuloy na tugisin ang mga rebelde.
Matatandaan nagdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng ceasefire sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde hanggang Abril 15 upang matugunan ang problema ng COVID-19 sa bansa.
Nagdeklara din ng ceasefire ang Communist Party of the Philippines, at inextend ito hanggang Abril 30, ang katapusan ng lockdown sa buong Luzon.
Subalit nakapagtala na ng ilang bakbakan sa gitna ng mga militar at rebelde sa gitna ng ceasefire.
Nito ring Biyernes, nagkaroon ng engkuwentro ang mga sundalo at NPA sa Negros Occidental, kung saan 2 sa militar ang nasaktan.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Regional news, Tagalog news, sundalo, NPA AFP encounter, Philippine Army, AFP, military, NPA, New People's Army, Bayog, Zamboanga del Sur