PatrolPH

Pulis-QC na sangkot sa pagbaril sa dating sundalo sa checkpoint kinasuhan na

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 03:59 PM | Updated as of Apr 24 2020 04:54 PM

Kinasuhan na ng Quezon City Police District ang kanilang pulis na bumaril sa retiradong sundalo sa quarantine checkpoint sa siyudad nitong Martes. 

Kasong homicide ang isasampa kay Police MSgt. Daniel Florendo Jr. na nagpaputok ng baril kay Winston Ragos, na namatay sa insidente sa Barangay Pasong Putik, Quezon City. 

Base ang kaso sa ebidensiyang nakalap, ayon kay QCPD director Brig. Gen. Ronnie Montejo. 

Kabilang na aniya rito ang CCTV ng insidente at mga pahayag ng mga kaanak ni Ragos. 

Nagsampa na rin ang pamilya ni Ragos ng kaso laban kay Florendo. 

Maaalalang namatay si Ragos, isang retired na miyembro ng Phiilippine Army, nang mabaril ng pulisya sa Barangay Pasong Putik. Sinabi ng pulisya na pinagbantaan at sinigawan umano sila ni Ragos at tumangging umuwi; sinabi rin nilang nakakita sila ng baril sa bag nito. 

Pero pinabulaanan ng pamilya ni Ragos ang bintang na may baril ang kanilang pumanaw na kaanak. 

Mananatili muna anya si Florendo sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Unit habang gumugulong ang imbestigasyon. 

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.