PatrolPH

Pamimigay ng cash aid sa Koronadal, dinumog; physical distancing hindi nasunod

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 07:27 PM | Updated as of Apr 24 2020 08:51 PM

KORONADAL CITY- Nagsiksikan ang mga benepisyaryo ng social amelioration program sa isang barangay sa lungsod na ito Biyernes ng umaga, at hindi na sinunod ang physical distancing sa gitna ng pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Naka-schedule sa Barangay Santa Cruz ang pamimigay ng P5,000 na cash aid kaya nagkasiksikan at nag-kaunahan ang mga tao sa pila sa harap ng multi-purpose gym ng naturang barrio.

Kita sa video ni Baby Yubie Camfreian Mana na dikit-dikit ang mga residente sa pagpila para sa naturang ayuda.

 

Ayon kay Police Lt. Joefel Siason, hepe ng Koronadal Police Station, nakontrol ang sitwasyon nang dumating na sila.

Inayos nila ang pila ng mga residente bago sila makapasok sa barangay hall para sa distribusyon.

Inaasahang matatapos ang distribusyon ng cash aid sa ibang mga barangay bago matapos ang Abril.

Inaabisuhan ang mga benepisyaryo sa mga pupuntahan pang mga barangay na prayoridad pa rin habang nakapila ang physical distancing, pagsusuot ng face mask at pagsunod sa mga alituntunin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.