Pamilyang Pinoy sa Canada, namigay ng pera, bigas sa mga kabarangay sa Ilocos Norte

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 01:29 AM

Namigay ng pera at bigas ang ilang mga overseas Filipinos sa kanilang mga kabarangay sa Barangay Pulangui sa bayan ng Bacarra sa Ilocos Norte Huwebes.

Bawat kabahayan ay nakatanggap ng 2 kilo ng bigas at P500 habang naabutan din ng tig-P20 ang mga bata.

Galing ang pera sa ina at mga kapatid ng residenteng si Vicky Soriano na nasa Canada.

Nagpasya ang pamilya na ipamahagi ang pera sa mga taga-Barangay Pulangi at ilang residente sa Barangay Libtong, kung saan umabot sa 120 pamilya ang nabigyan.

Ito umano ang paraan ng pamilya Ramos para makatulong sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa.