Lalaki nabulok ang pinamili matapos maaresto dahil panyo lang umano ang pantakip sa mukha

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 11:09 PM

SAN FERNANDO, PAMPANGA -- Usap-usapan sa social media ang isang lalaki na namili ng pagkain pero hinuli ng mga pulis dahil panyo lang umano ang pantakip sa kaniyang mukha, kaya't nabulok ang kaniyang pinamili matapos ang kaniyang parusang community service.

Namalengke si Reynaldo Calma sa isang pamilihan sa San Fernando, Pampanga noong Martes at pauwi na sana nang damputin ng mga pulis dahil sa kadahilanan na panyo lang umano ang ipinangtakip niya sa mukha sa gitna ng lockdown kontra COVID-19 pandemic.

Dinala sa barangay hall ang lalaki para sumailalim sa community service. Dahil sa community service na tumagal ng ilang oras, nabulok ang mga biniling isda ni Calma.

“Sa akin lang ma'am, pantay pantay lang po. Kung makiusap pakinggan naman yung tao, baka sa tingin nila yung tao tingin nila nagpagala-gala lang may binili naman,” aniya.

Pero ayon sa pulisya, walang anumang takip sa mukha si Calma nang makita nila ito.

“'Yun 'yung allegation ng taong nahuli natin pero at the time of apprehension wala siyang suot na protective gear,” ani Police Lt. Col. Paul Yñigo Gamido.

Bago isinailalim sa community service si Calma, pinayuhan umano siya ng pulisya na tumawag ng mga kasama sa bahay para kunin ang kanyang mga binili para hindi masira.

“Nung mahuli lahat ng violators that time, they were given a chance na kontakin ang kanilang mga pamilya and then inform ang kanilang pami-pamilya. Si Mr. Calma sinabihan na siya kung anong gagawin sa pinamili niya, si Mr. Calma na ang nagsabi sa pulis natin na iwanan muna sa [station] pagbalik nalang niya kukuhanin," aniya.

Mahigpit na ipinatutupad ngayon sa lalawigan ng Pampanga ang mandatory wearing of facemask para maiwasan ang paghawa ng sakit na COVID-19.

“Sinsero po nating ipatutupad yung ordinansa na po iyan dito sa buong Pampanga” ani Police Col. Jean Fajardo, director ng Pampanga Police Provincial Office.

Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko, sumunod sa batas na nauugnay sa COVID-19 lalo't extended ang enhanced community quarantine sa Pampanga hanggang may 15.

Hindi kinasuhan si Calma matapos magtanim ng gulay bilang bahagi ng community service ng mga violator.

Ayon kay Calma, leksyon para sa kanya ang nangyari at ipinost nya sa social media ang nangyari bilang paalala na rin sa iba na dapat magsuot na ng face mask tuwing lalabas ng bahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.