'Kailangang umuwi, kumita': Pinalawig na lockdown sa NCR hamon para sa ilang sektor

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 06:11 PM | Updated as of Apr 24 2020 09:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pinangangambahan ngayon ng ilang trabahador ang kanilang kita at kabuhayan dahil pinalawig pa ang enhanced community quarantine sa Metro Manila nang hanggang Mayo 15. 

Pansamantalang nakatira sa kaniyang jeep ang tsuper na si Anton, ngayong may enhanced community quarantine sa Metro Manila. 

Bigo kasi siyang makauwi sa kanilang bahay sa Mindoro, matapos ma-stranded sa QUezon City simula noong ipatupad ang lockdown sa kalagitnaan ng Marso. 

Ngayong pinalawig ang enhanced community quarantine, nakakaramdam siya ng pangungulila at pag-aalala para sa kaniyang pamilya sa probinsiya. 

"Sila pa nga ang nagpapadala sa amin kasi sa Mindoro kahit papaano nakakapagtrabaho asawa ko, tinatanong ako kung may pera pa ako, sige papadalhan kita ng pambili mo ng alcohol at vitamins, nakakahiya naman. Parang baliktad na yung panahon," aniya. 

Nakakahiya man daw pero dahil walang kita, sa paghihingi at paghihintay ng ayuda siya umaasa. 

"Wala naman kami magagawa kung hindi sumunod na lang talaga. Sa totoo lang umaasa ako, ako at kasama ko sa mga nagbibigay. tinatanggap na lang namin, nakakapagpaload ako nagvi-video call kami," aniya. 

Mag-isa ngayong nabubuhay si Marife Ursua, isang person with disability sa Quiapo, Maynila. 

Hamon ngayon para sa kaniya habang quarantine ang pag-uusisa sa kaniya kung bakit siya nag-iisang lumalabas ng bahay. 

“Una po, bakit daw, bakit pa ako mamimili, kasi bakit di ko pa iutos sa iba. So, parang sa kalagayan mo kailangan may kasama ka kasi. Sabi ko, ay wala po akong kasama,” ani Ursia, isang polio victim. 

Bukod pa rito, wala pa aniya siya natatanggap na tulong pinansiyal mula sa gobyerno, kahit pa man siya ay parte ng vulnerable na sektor. 

Kaya ngayong pinalawig ang quarantine, lalong problemado si Ursua dahil wala pa siyang nakukuhang ayuda. 

“Medyo mahirap para sa akin or masama ang pakiramdam sa extension, although nauunawaan naman natin ang government. Pero 'yong sa daily living ng persons with disablity, medyo hindi ako kampante dun, wala man lang, kumbaga walang support or intervention na gagawin nila sa persons with disability, individually or group man lang yun,” aniya. 

Dumadaing din ang ilang mga manggagawa, gaya ng tricycle driver na si Edwin Celada. 

“"Nawalan kami ng hanapbuhay, ng pagkakakitaan. Mas maganda sana kung tapos na po ito para makabalik na kami sa kanya kanyang hanapbuhay,” aniya bagama’t naiintindihan naman umano niya kung bakit kailangan pang palawigin ang quarantine. 

May agam-agam din ang ilan pang manggagawa. 

"Nakakaawa yung mga walang hanapbuhay. Mahirap halos wala nang makain. May mga natatanggap pero hindi sapat. Kung pwede lang. Eh kung ganyan naman may katigasan ng ulo ang ilang kababayan natin na halos hindi naman sumusunod sa mga patakaran, ay wala tayong magagawa kung i-extend nila,” ani Flor Paguirigan, isang tindera. 

Sa ngayon, may 7,192 kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas; dito, 762 na ang gumaling habang 477 ang namatay sa sakit, batay sa datos ng Department of Health. 

Maaalalang pinalawig ang enhanced community quarantine sa Metro Manila at ilan pang lugar na mataas ang bilang ng mga positibo sa COVID-19. 

Para sa ilang mambabatas, makatuwiran ang pag-extend sa enhanced community quarantine. 

Para kay Sen. Panfilo Lacson, hindi pa nakikita ng bansa na napababa na ang bilang ng mga nagkakasakit kaya mas nararapat na palawigin pa ito. Ang Metro Manila ang itinuturing na episentro ng virus. 

"Admittedly, we are still a thousand miles away from flattening the curve. Regardless of some missteps and shortcomings of some government agencies, it cannot be denied that ECQ has contributed its share in minimizing the spread of the virus," ani Lacson. 

Para kina Senador Grace Poe at Senador Sonny Angara, dapat nang pabilisin ang pagbibigay ng cash assistance sa mga nangangailangan. 
"Given the low distribution rate of 20% for cash assistance, perhaps government can also focus on how to speed this up going forward,” ani Angara. 

"Poverty has been exacerbated by this pandemic, thus, concerned agencies should work double time so that all forms of assistance reach target families who are in need,” ayon naman kay Poe. 

— Ulat nina Zhander Cayabyab, Jacque Manabat, at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.