Ilang researchers at volunteers sa Roxas City, gumawa ng disinfecting tents

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 02:48 AM

 

Gumawa ng UVC disinfecting tents ang ilang researchers at volunteers sa Roxas City, Capiz para sa pagdi-disinfect ng mga personal protective equipment (PPE) suits.

Ayon sa mga Roxas City ICT Team, nabuo ang ideya matapos ang ginawa nilang UVC disinfecting pods na ginagamit sa pag-disinfect ng facemasks at faceshields.

Sa loob lang ng isang oras na disinfection gamit ang UVC light sa disinfecting tent, maaari nang magamit muli ang mga nasuot na PPE suits.

Dahil sa mataas na demand ng PPE suits, naisipan ng grupo na tulungan ang frontliners kung paano magamit muli ang PPE suits na walang pangamba ng transmission ng coronavirus.

Pinapagana ng isang automated software ang UVC tent.

"We need at least 10,000 dosage of radiation para sa 8 PPE suits plus 12 units of lamp 'yung tent set up sa tent to give us 14,000 dosage enough to ensure us of disinfection,” ani Mang Jose ng Mang Jose Robotics & Roxas ICT Team.

Sa tulong ng Roxas City government, plano ng grupo na makagawa ng 7 UVC tents at ipamamahagi ito ng libre sa mga ospital sa probinsya ng Capiz.