Enhanced community quarantine sa NCR, ilan pang lugar palalawigin hanggang Mayo 15

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 02:12 PM | Updated as of Apr 24 2020 11:50 PM

MAYNILA (UPDATED) - Pinalawig hanggang Mayo 15 ang enhanced community quarantine sa Metro Manila at ilan pang lugar na maituturing na "high risk" areas dala ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kasunod ito ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force sa pagpapalawig ng enhanced community quarantine.

Narito ang mga apektadong lugar:

  • Metro Manila
  • Benguet
  • Pangasinan
  • Bataan
  • Bulacan
  • Nueva Ecija
  • Pampanga
  • Tarlac
  • Zambales
  • Batangas
  • Quezon Province
  • Laguna
  • Cavite
  • Rizal
  • Quezon Province
  • Oriental Mindoro
  • Occidental Mindoro
  • Albay
  • Catanduanes
  • Davao Del Norte
  • Davao City

Ang mga lugar sa Luzon na hindi nabanggit ay isasailalim sa general community quarantine.

Unang nabanggit na kasama ang Aurora sa mga isasailalim sa enhanced community quarantine. Pero kalauna'y kinumpirma na ilalagay na ito sa general community quarantine.

Nasa enhanced community quarantine din ang mga sumusunod na lugar. Pero pagdedesisyunan pa kung palalawigin ito o ibababa bago mag-Abril 30.

  • Antique
  • Iloilo
  • Aklan
  • Capiz
  • Cebu City
  • Davao De Oro

Isasailalim sa General Community Quarantine ang mga nakalistang lugar na may ECQ sakaling makita ng IATF na maituturing na itong mga "low-risk" areas.

LIST: Enhanced, general quarantine areas until May 15
Sa talumpati, nakiusap si Pangulong Rodrigo Duterte na sumunod muna sa mga ibinabang panuntunan.

Ang mga lugar sa Luzon na hindi nabanggit ay isasailalim sa general community quarantine.

Ayon kay Duterte, naging basehan ang masusing pag-aaral at konsultasyon para palawigin muli ang enhanced community quarantine sa mga "high risk" na lugar.

"We are just waiting for the right time. Tiisin lang muna natin. Ako nakikiusap na sa inyo para lang ito sa bayan. Because we are trying to limit the contamination kasi sinabi ko itong 6,981, 'pag ito ang nagkalat, naku, mapo-problema po ako. Mas lalo," ani Duterte.

Papayagan din na magkanya-kanyang pagdeklara ng lockdown ang mga lokal na pamahalaan, giit ni Department of the Interior and Local Government chief Eduardo Año.

"Ang national government na ang nagdecide kung ano ang probinsya na extended ang ECQ kasama na ang Visayas at Mindanao. So ngayon po hindi na pupwedeng mag-unilateral declaration ang isang local chief executive na ilalagay nya ang isang probinsya sa ECQ. ito ay kailangang aprubado ng IATF," ani Año.

Pag-aaralan din ng gobyerno na bigyang-prayoridad na lang ang mga lugar na ilalagay sa ECQ sa pamamahagi ng social amelioration fund.

-- May ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.