Emergency quarantine facility itinayo sa Fernando Air Base

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 01:43 AM

Larawan mula kay AETDC PIO

Isang emergency quarantine facility ang itinayo sa Fernando Air Base sa Lipa, Batangas ng mga tauhan ng Philippine Air Force para sa mga frontliners.

Ayon kay Capt. John Paul Pida Paf ng Air Education, Training and Doctrine Command, ito ay para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lugar.

“Mananatili muna sa designated quarantine area sa Fernando Air Base, then they have to strictly undergo quarantine for 14 days bago sila maaaring bumalik sa kani-kanilang tahanan at trabaho at araw-araw silang i-monitor ng mga medical personnel natin,” aniya.

Mayroong 15 kama ang quarantine facility kasama ang 2 palikuran, 2 shower room, kusina, telebisyon at internet connection.

Kasalukuyang naka-quarantine dito ang ilang Philippine Air Force personnel na nanggaling sa Zamboanga at Cebu.

Bukas ang pasilidad sa lahat ng miyembro ng Armed Forces of the Philippines at dependents na probable o suspected COVID-19 patients.

Sa ngayon, nagbabantay sa checkpoint, nagbibigay ng libreng sakay sa mga stranded na pasahero, at naghahatid ng relief goods sa iba't-ibang lugar ang Philippine Air Force na nakabase sa Fernando Air Base.

Madalas ring gamitin ang mga eroplano nila sa pagdadala ng personal protective equipment (PPEs), medical supplies at testing kits sa ibat-ibang panig ng bansa kaya 'di maiiwasan na ma-expose sila sa ibat-ibang tao.

Mahigpit ang segurid sa base, maging ang ipinatutupad na precautionary measures at madalas rin ang pagdi-disinfect sa kanilang mga eroplano para hindi ito mapasok ng naturang virus.

"Kinukuhanan muna sila ng temperatura at chinecheck ng medical personnel natin kung nasa mabuti silang kalagayan prior to their flights, so sila ay nagsusuot ng PPE gaya ng gloves at facemask.”