Duterte nagsabing posible ang martial law kung 'atake' ng NPA magpapatuloy

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 06:27 PM


MAYNILA - Maaaring magdeklara ng martial law sakaling magpatuloy ang umano’y pag-atake ng mga kasapi ng New People's Army (NPA) sa pulisya at sundalo sa gitna ng krisis sa coronavirus disease 2019, babala ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes. 

Sa kaniyang public recorded address umaga ng Biyernes, sinabi ni Duterte na hindi siya mangingiming ipapatay ang mga miyembro kung hindi sila titigil sa pag-atake. 

"Kaya I am now warning everybody and putting notice sa Armed Forces pati Police, I might declare martial law and there will be no turning back. Kung ano ang martial law na klaseng gagawin ko akin lang ‘yan. Pero kung gusto ninyo kasi pinagpapatay ninyo ‘yung mga sundalo ko pati pulis na wala namang ginawa kung hindi samahan lang ‘yung nagde-deliver ng pera pati pagkain," ani Duterte. 

Sinabi ito ni Duterte matapos mapaslang ang dalawang sundalo ng umano’y NPA habang nagbabantay sa pamamahagi ng cash assistance ng Department of Social Welfare and Development nitong Martes. 

Kinondena ito ng ilang opposition figures, na nagsasabing dapat mas bigyang-diin ng gobyerno ang pagsugpo laban sa virus.

“Stop using the NPA to deflect attention from your failures,” ayon sa Communist Party of the Philippines sa isang pahayag. 

“This is a classic deflection tactic to draw away the people’s attention from the government’s inept, incompassionate and irresponsible actions in the face of the pandemic,” dagdag nila. 

Para sa Makabayan Bloc ito ay umano’y panghahawak ni Duterte sa mga anila’y "unverified" na ulat na NPA ang mga nang-aatake, para gawing basehan sa pagdeklara umano ng batas militar. 

Pumalag din ang senador na si Francis "Kiko" Pangilinan, na iginiit na dapat mas tugunan ng pansin ang pagsugpo sa banta ng virus. 

"COVID ang pinakamatinding problem ng bansa ngayon, hindi ang insurgency," ani Pangilinan. 

"Tigilan na nila ang pagtulak ng kamay na bakal dahil hindi kayang gipitin o sugpuin ng kamay na bakal ang mikrobyo o nakakamatay na virus," dagdag ni Pangilinan. 

-- May ulat nina Pia Gutierrez, Zandro Ochona, at Katrina Domingo, ABS-CBN News