Bilang pasasalamat, mag-asawang pulis namigay ng grocery items sa Ilocos Norte

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 07:56 PM

Umabot sa 54 pamilya ang nabiyayaan ng grocery items at karneng manok ng mag-asawang Tacbian na kapwa pulis sa Ilocos Norte. Larawan mula kay Grace Turon


Pinili ng mag-asawang pulis na magbahagi ng grasya sa mga kababayang naapektuhan ng pandemyang dulot ng COVID-19 sa Ilocos Norte.

"I feel blessed and satisfied kasi na-fulfill ko 'yung wish ko na maibahagi ang mayroon ako," sabi ni Patrolwoman Claepher Tacbian, nakadestino sa Sarrat Municipal Police Station.

Kasama ang asawang si Patrolman Dominic Vince Tacbian, namigay sila ng grocery items at karneng manok sa mga residente ng Barangay 2 Virbira sa bayan ng Carasi sa Ilocos Norte.

Ito aniya ang paraan para magpasalamat para sa ika-29 kaarawan ni Claepher nitong Huwebes at bilang tulong na rin sa mga kababayan sa gitna ng kinakaharap na krisis.

"Wish ko kasi 'yung makapag-donate man lang sa iba kaya i-share ko na lang sa iba yung pera ko na nakalaan para sa birthday ko," sabi ni Claepher.

Umabot naman sa 54 pamilya ang naabot ng kanilang tulong.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.