Barangay Krus na Ligas sa QC, magpapatupad ng 'barangay lockdown' simula Abril 25

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 04:14 AM | Updated as of Apr 24 2020 09:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magpapatupad ng barangay lockdown sa Barangay Krus na Ligas, Quezon City simula Sabado. 

Sa isang Facebook video, sinabi ng punong barangay na si Maurina Magalong na layon ng lockdown na mas ma-secure ang lugar at masigurong walang makapagpapasok ng sakit, batay na rin sa mungkahi ng lokal na pamahalaan ng QC.

"Kapag barangay lockdown, tayo lamang po ay dito sa loob lamang po ng ating barangay, bawal na po tayong maglabas-masok sa ating barangay," ani Magalong.

Sa ilalim ng barangay lockdown, tanging frontliners na taga-barangay ang papayagan maglabas pasok. 

Para sa frontliners na hindi taga-barangay, kailangang maberipika sa checkpoint kung anong opisyal nilang tungkulin sa lugar.

Para sa hindi frontliners na kailangang lumabas ng bahay, dapat magpakita ng ID at certificate of employment. 

Tanging mga nakapangalan sa home quarantine pass ang papayagang lumabas para mamili sa palengke, grocery at iba pang establisyimentong nagtitinda ng essential goods.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Magalong, bawal na muna ang hiraman ng quarantine pass. Para sa mga naghihiramang borders, pwedeng makisuyong magpabili ng essentials sa nakapangalan sa pass.

Mula 5 a.m. hanggang 6 p.m. lamang pwedeng lumabas para bumili ng essentials, at sa ganitong oras lang din bukas ang establishments.

Sarado na muna ang laundry shop, computer shop, milk tea store, tindahan ng damit at gym. 

Para sa may delivery, hanggang sa mga checkpoint sa Baluyot at Fulgencio street papayagan ang riders. Dito, pipickup-in ng may dala ng quarantine pass ang delivery. 

Para sa mga mangangailangan ng assistance, tulad ng mga may check-up o iba pang procedure, maaaring humingi ng assistance sa barangay. 

Ayon kay Magalong, wala pang takdang petsa kung kailan aalisin ang barangay lockdown.

Nanawagan si Magalong sa mga residente na sundin ang mga alituntunin sa ilalim ng barangay lockdown at ng enhanced community quarantine sa lungsod. 

 

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.