3 nakatanggap ng ayuda, 4 iba pa arestado sa pagsusugal sa Ilocos Norte

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 08:49 PM | Updated as of Apr 24 2020 11:34 PM

Bukod sa pagkumpiska sa baraha at perang taya sa pasugalan, sasampahan rin ng kaso ang mga nahuling naglalaro ng Lucky 9 sa Ilocos Norte. Larawan mula sa Piddig Municipal Police Station.


PIDDIG, Ilocos Norte - Arestado ang 7 magkakabarangay, kabilang ang 3 nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program ng gobyerno, matapos mahuling nagsusugal sa isang bahay dito sa bayan, Huwebes.

Huli sa aktong nagsusugal ng "Lucky 9" ang apat na lalaki at tatlong babae sa labas ng bahay ng isa sa mga suspek sa Sitio Cagat, Barangay 8 Tangaoan sa nasabing bayan.

Nakuha sa kanila ang P2,582 na perang taya sa sugal at baraha.

Ayon sa mga pulis, tatlo sa mga suspek ang nakakuha ng P5,500 mula sa social amelioration program ng Department of Social Welfare and Development para sana magamit pantawid sa gitna ng krisis sa COVID-19.

Isang barangay kagawad din ang kasama sa mga nahuli.

Sasampahan ang 7 ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Anti-Gambling Law.

- ulat ni Dianne Dy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.