2 OFW naitalang dagdag kaso ng COVID-19 sa Negros Occidental

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2020 01:11 AM

May dagdag na bagong dalawang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Negros Occidental.

Ayon kay Provincial Administrator Atty. Rayfrando Diaz ang dalawang bagong kaso ng COVID-19 ay mga overseas Filipino worker na kakauwi lamang ng Negros Occidental noong Abril 14.

Si Patient No. 3 ay taga-Silay City na dumating sa Pilipinas noong Marso 24, habang si Patient No. 4 ay taga-bayan ng Candoni at ni-repatriate noong Marso 17.
 
Dalawa sila sa 35 na mga OFW na tinulungan ng probinsyang makauwi matapos ma-stranded sa Cebu.

Kasalukuyang naka-quarantine sila sa provincial healing center sa bayan ng Enrique B. Magalona.

Pareho silang asymptomatic, ayon kay Diaz, pero dahil na-expose na rin ang ibang mga OFW na kasama nilang dumating sa probinsya, palalawigin ang quarantine period nila.

Ang 35 OFWs ay bahagi ng mga isinailalim ng probinsya sa massive COVID-19 testing.

Sa kabuuan, may 4 kaso na ng COVID-19 na naitala ang Negros Occidental.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.