'Wala nang senyales ng buhay sa guho sa Porac': pulisya

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 08:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Wala na umanong nakikitang senyales ng buhay ang mga awtoridad sa loob ng gumuhong Chuzon supermarket sa Porac, Pampanga. 

Iyan ang pahayag ni Pampanga police director Col. Jean Fajardo ngayong Miyerkoles, dalawang araw matapos gumuho ang gusali dala ng magnitude 6.1 na lindol na tumama sa Luzon. 

Ayon kay Fajardo naghanap ang mga rescuer ng "proof of life" sa pamamagitan ng mga K-9 unit at makina pero walang na-detect na ano mang senyales ng buhay sa gumuhong gusali. 

"Based on our rescuers (Base sa aming mga rescuer,) wala na tayong tao sa loob either patay o buhay po," aniya. 

Ang tanging naamoy lang ng K9 unit ng pulisya ang bahagi ng putol na binti ng babaeng unang sinagip ng mga awtoridad noong Martes. 

Wala na ring naghahanap ng nawawalang kamag-anak, ayon kay Fajardo.

Gayunman, hindi pa rin ihihinto ng mga awtoridad ang search and rescue operations sakaling nagkamali ang mga aso at machine. 

Nabatid din ng mga awtoridad na buhay at nagpunta lamang sa Arayat, Pampanga ang nalalabing hinahanap sa Chuzon Supermarket kaya wala na silang listahan ng mga nawawala. 

"Dahil brownout po, hindi nakapagsabi (ang lalaking customer) na umuwi siya," ayon kay Fajardo. 

Dahil wala na anilang proof of life ay tinibag na ang rin ilang bahagi ng gusali. 

Ayon sa mga awtoridad, maaaring simulan nila ang retrieval operations sa Biyernes. 

PANANAGUTAN 

Samantala, inihahanda na ang kasong negligence resulting in multiple homicide and physical injuries laban sa may-ari ng Chuzon Supermarket na si Samuel Chu. 

Lumantad din sa pulis noong Martes ang contractor ng Chuzon na si Engr. Mario Meneses. 

Ayon sa pulisya, halos iisa ang kontraktor ng gusali ng Chuzon Supermarket sa siyam na branch nito sa Pampanga, Tarlac, at Bataan. 

Nais ni Sanita Dela Cruz, na namatayan ng manugang at dalawang apo sa supermarket, na managot si Chu sa nangyari sa kaniyang mga kaanak. 

"Sana makulong sila, makulong ang may-ari at magbayad sila sa pamilya," ani Dela Cruz. 

Watch more in iWant or TFC.tv

80 PORSIYENTO NG MGA BAHAY SA BARANGAY SA PAMPANGA WASAK 

Samantala, tulong naman ang hiling ng ilang residente sa Barangay San Ramon sa Floridablanca, Pampanga, na isang upland barangay, kung saan 80 porsiyento umano ng mga bahay ang nasira. 

Karamihan sa mga bahay ay hindi na raw matitirhan. 

Kabilang dito ang residenteng si Melita Torres, na nasiraan ng bahay bunsod ng lindol. 

Dahil walang ibang matuluyan, sumisilong sila sa kural ng mga alaga nilang baboy. 

"Kasama namin 'yung mga baboy, doon po kami natutulog. Mayroong papag na nilagay namin tapos ‘yung iba ko pong apo nasa ilalim ng (punong) camachile dala-dala 'yung mga upuan na hindi nasira dun po kami nahihiga," ani Torres. 

Samantala, pinagkakasya ng pamilya ni Ising Coronel ang kanilang gamit at tulugan matapos ang lindol. Bitak-bitak na kasi ang sahig at umuuga umano ang pader ng kanilang nasirang bahay. 

Ani Coronel, ayaw na niyang pumasok sa kanilang bahay sa pangambang matabunan sila. 

Hindi naman maialis ng mga residente ang takot lalo't hanggang kaninang umaga ay nakaramdam pa rin sila ng pag-uga ng lupa.

Nanawagan ng agarang tulong ang mga residente sa pagsasaayos ng kanilang mga bahay para maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay. 

-- Ulat nina Dennis Datu, Michael Delizo, at Gracie Rutao, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.