Mga residente reklamo ang mga kakulangan sa evacuation center sa Guagua

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 01:27 PM

Nilisan ng ilang evacuees ang evacuation center sa Guagua, Pampanga dahil umano sa mga kakulangan sa pasilidad. Jonathan Cellona, ABS-CBN News


GUAGUA, Pampanga — Nag-alsabalutan ang mga evacuee sa Guagua Municipal Evacuation Center Miyerkoles dahil sa kawalan ng tubig.

Nasa 318 indibidwal ang lumikas mula sa tabi ng ilog sa Barangay San Rafael nang masira ang mga bahay nila sa malakas na lindol Lunes ng hapon.

Umusog at gumalaw ang mga bahay, habang nabiyak ang mga sahig. Batay sa tala ng municipal engineering office, 10 bahay ang lubhang napinsala ng lindol at hindi pa matirhan.

Ang bahay ni Novelty Galit, lubog sa tubig. Gumawa na lang ang pamilya niya ng makeshift na tulugan dahil ayaw na raw nila manatili sa evacuation center.

“Nahihirapan kami dito, ganyan ang katayuan namin,” sabi ni Galit. “Kaso sinasabihan nila kami ng patay-gutom. Ayon, umalis kami do’n, siyempre nasaktan din ang damdamin namin.” 

Reklamo ng ilan, walang tubig sa evacuation center. Sarado rin ang banyo.

“Doon na lang po kami naliligo sa bahay,” sabi ni Evelyn Camelo.

Ayon kay Ruby Encarnado ng municipal social welfare and development office, hindi pa perpekto ang pasilidad ng bagong evacuation center na unang beses nagamit noong Lunes.

Ginagawa naman daw ng lokal na pamahalaan ang lahat para matugunan ang pagkukulang. 

Sa isyu ng saradong banyo, baka raw napaglaruan lang.

Nang tingnan ng news team ang evacuation center, may tubig naman sa gripo pero walang tubig inumin.

“‘Yung drinking water, nakulangan lang po pero hindi naman ‘yun isang malaking problema,” sabi ng social worker.

Magpapadala naman daw sila agad ng mga container ng tubig inumin pero umalis na ang mga evacuee.