Lindol sa Mindanao walang koneksiyon sa lindol sa Luzon, Visayas: Phivolcs

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 08:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Walang kaugnayan ang lindol ngayong Miyerkoles sa Mindanao sa mga pagyanig sa Luzon at Visayas noong mga nakaraang araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

"If we look at the distance itself, medyo may kalayuan so hindi na sila related," ani Ishmael Narag, officer in charge ng Phivolcs Seismological Observation and Earthquake Prediction Division.

"Bukod pa doon, 'yong fault na gumalaw doon sa Zambales-Pampanga area ay mapapansin niyo na palihis at very shallow," ani Narag.

Naitala ngayong Miyerkoles ang magnitude 4.5 na lindol sa Davao Occidental. Makalipas ang 15 minuto, magnitude 4.7 lindol naman ang tumama sa Davao Oriental.

Niyanig naman noong Lunes ng magnitude 6.1 lindol ang Metro Manila at mga karatig-lalawigan habang magnitude 6.5 na lindol naman ang naitala noong Martes sa Eastern Samar.

Wala umanong tigil ang Phivolcs sa pagsubaybay sa galaw ng lupa.

Dahil may kalakasan ang nangyari sa Luzon noong Lunes, posible raw hindi agad titigil ang aftershocks.

"Sa 6.1, we would expect na days to weeks pa 'yong activity na 'to pero more or less, confined na sa area where the main shock occurred," ani Narag.

Nasa 640 aftershocks ang naitala ng Phivolcs mula noong Lunes sa lindol na yumanig sa Zambales.

--Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.