Lalaking nakikipag-inuman, patay sa pamamaril

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 12:56 AM

LIPA CITY, Batangas - Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin Martes ng gabi sa Lipa City.

Nakikipag-inuman ang biktimang si Daryl Fule sa may tindahan malapit sa kanilang bahay sa Barangay Balintawak. Nakaupo ito sa loob ng isang tricycle nang biglang pagbabarilin ng isang lalaki.

"Mayroon silang ilang kainuman dito na noong makarinig ng putok ay nagtakbuhan. Tinanong natin 'yung iba, ay sabi nila hindi naman nila kilala 'yung salarin," ayon kay Police Captain Nestor Balita ng Lipa City Police.

Ayon pa sa pulisya, agad tumakas ang salarin papunta sa direksiyon ng Barangay Sto. Toribio.

Tinitingnan ngayon ng pulisya ang anggulong isang dating nakaalitan ng biktima ang gumawa nito sa kaniya.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.