ALAMIN: May-ari ng gumuhong pamilihan sa Porac ano ang pananagutan

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 05:03 PM | Updated as of Apr 24 2019 05:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kasabay ng matinding lindol na tumama sa Luzon noong Lunes ay ang pagguho ng Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga, kung saan ilan ang namatay at pinangangambahang natabunan. 

Sa imbestigasyon, nadiskubre ng mga awtoridad na imbes na dalawang palapag tulad ng inaprubahan, pinataasan pala ang gusali sa apat. 

Ayon sa abogadong si Atty. Claire Castro, may pananagutan hindi lang ang may-ari ng pamilihan kundi pati mga contractor, arkitekto, at engineer ng gusali. 

"Kung ito, ang isa dito ang hindi ginawa nang maayos ang trabaho... Kapag may ganitong klaseng sakuna eh lahat dito na nagkulang can be held liable," ani Castro sa "Usapang de Campanilla" noong Martes. 

Ayon sa Republic Act No. 6541 o National Building Code of the Philippines, maaaring parusahan ang mga hindi susunod sa mga patakaran sa pagpapatayo ng isang estruktura. 

"Dadaan 'yan sa local, sa engineering department. Dito titingnan ni (city) engineer kung tama 'yung balak niyang itayo sa lugar na ito. So doon magkakaroon ng inspection, evaluation kung dapat ipa-approve ang plano," ani Castro. 

Kung mapatunayang nagkulang ang mga nagpatayo ng gusali ay maaari silang multahan ng P20,000 at ikulong nang aabot sa 2 taon. 

Pero kung walang paglabag at maituturing na "acts of God" ang nangyaring pagguho, maaabsuwelto ang mga nagpatayo ng supermarket. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.