Suspek sa murder, tiklo nang tangkaing kumuha ng police clearance

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 05:12 PM

Naaresto ng Quezon City police ang isang lalaking wanted sa murder nang tangkain nitong kumuha ng police clearance.

Kukuha sana ng clearance noong Huwebes ang lalaking kinilalang si Joman Dura Roa para sa papasukan niyang trabaho nang lumabas sa rekord ng pulisya ang electronic warrant laban sa kaniya kaugnay sa kasong pagpatay sa Masbate noong 2013.

"Through coordination sa ating friendly units, Masbate nga, nalaman naming active pa ang kaniyang kaso," ani Chief Inspector Rodel Maritana ng Quezon City Police Clearance Department.

Limang taon nang pinaghahanap ang suspek, ayon kay Maritana.

Itinanggi ni Roa ang pagkakasangkot sa krimen pero inamin niyang alam niya ang tinutukoy na insidente.

Paliwanag ni Roa, pinsan niya ang nakapatay.

Nakatakdang ibigay sa Masbate police si Roa.

Mula 2016, umabot na sa 52 ang naaresto ng Quezon City Police Clearance Department na may kaso at warrant mula sa korte na nagtangkang kumuha ng clearance.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.