Sibuyas, ‘di mansanas, laman ng nasabat na 17 container vans: Piñol

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 12:01 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

MANILA – Napigilan ng awtoridad ang pagpapalabas mula sa Manila International Container Port ng 17 container vans na naglalaman ng smuggled na sibuyas, ani Agriculture Secretary Manny Piñol nitong Martes. 

"Based on information we received last week, merong dumating na mga containers. Initially, ang report sa amin 10 containers na 40-footer at refrigerated na diumano'y naka-declare na mga mansanas subalit ayon sa ating impormante, hindi mansanas at malamang sibuyas," pahayag ni Piñol.

Ayon kay Piñol, hiniling nila ang tulong ng Bureau of Customs upang matiyak na sibuyas nga ang laman ng dumating na containers sa bansa.

"Kahapon, talagang na-validate na yung 10, sibuyas ang laman at meron pang 7 (containers)," sabi ni Piñol sa DZMM Martes ng umaga.

Paliwanag ni Piñol, kadalasang ginagamit ang mansanas bilang panakip ng mga smugglers dahil halos magkapareho lamang ang hugis nito kung ang pagbabasehan ay x-ray.

"Sa ating agreement with our neighbors within the Asian region, ang mansanas walang tariff, libre makakapasok. On the other hand, ang sibuyas may 35% na tariff," sabi niya.

Kuwento ni Piñol na inabot pa sila ni BOC Commissioner Isidro Lapeña ng ilang oras sa kahihintay para lamang mabuksan ang containers.

"Ang daming dahilan. Kesyo malayo yung truck, walang broker na magwi-witness. Basa namin yung galaw na ‘yun," ani Piñol.

Dagdag pa niya na dahil pangyayari, hiniling na niya sa BoC na ilagay sa alert status ang lahat ng containers na nakadeklarang agriculture products ang laman.

"Ibig sabihin, pinapabuksan ko sapagkat hindi na ako papayag na magpatuloy pa itong smuggling na ito," sabi niya.

Bukod sa misdeclaration, papasok din umano sa economic sabotage ang pagkakadiskubre sa mga container ng sibuyas.

"At kung totoong kumpanya ito na nagi-import, we will ban them altogether," sabi niya.

Kung tuluyang makalusot ang kontrabando, sabi ni Piñol, malaki ang epekto nito sa mga lokal na produkto.

"Since mura ito, because they will be able to avoid the payment of 35% tariff, pwede nilang ibagsak ang presyo. Kapag binagsak nila ang presyo, syempre, babagsak ang presyo ng ating mga local products," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.