Pagkuha ng buhangin sa ilalim ng dagat sa Samal Island, iniimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 09:42 PM

ISLAND GARDEN CITY OF SAMAL - Iniimbestigahan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) XI, Department of Environment and Natural Resources (DENR) XI at lokal na pamahalaan ng Island Garden City of Samal ang dredging operation o pagkuha ng buhangin sa ilalim ng dagat sa Barangay Limao.

Naaktuhan ng news team noong Huwebes ang operasyon sa dagat kung saan sinasala ng dalawang lalaki ang buhangin at itinatapon ang residue nito muli sa dagat.

Nakita rin ang malaking hose mula sa floater papunta sa ilalim ng dagat na siyang kumukuha ng buhangin.

Mas malinaw na nakuhanan ang operasyon sa isang drone video na ibinigay sa ABS-CBN News, kung saan makikitang namumuti ang asul na dagat dahil sa nakuhang buhangin sa ilalim nito.

Ayon sa City Environment and Natural Resources Office, malaki ang epekto nito hindi lamang sa buhangin sa ilalim pati na rin sa mga korals na pinamamahayan at pinagingitlogan ng mga isda.

"Ang tong kinaiyahan sa dagat ang atong korals maguba man gyud na kay syempre naa man gud certain equipment na masuyop na, di man gud na pwede purely balas lang apil gyud ang koral ilalom sa dagat," ani Arnel Acedillo.

(Ang ating kalikasan sa dagat ang ating korals, masisira talaga iyan dahil siyempre may certain equipment sila na ginagamit upang makuha ang buhangin, 'di naman talaga purely buhangin, kasali na diyan ang korals sa ilalim ng dagat.)

Iniutos na ni Island Garden City of Samal Mayor Al David Uy na imbestigahan at kilalanin ang nasa likod ng operasyon.

"We need to check kung kinsa ang tag-iya kay palipatlipat na sya basin gihimong negosyo kung kinsa tong usahay naa,so kung di nimo duolan murag payaw lang na sya," ani Uy.

(We need to check kung sino talaga ang may-ari kaya palipat-lipat 'yan siya, baka ginagawang negosyo...so kung 'di mo siya lalapitan para lang siyang payaw.)

Ayon naman sa MGB XI, hindi nila pinahihintulutan ang dredging at ilegal umano ang nakunan ng video.

Paliwanag ng MGB, kahit pribado ay kailangan pa rin kumuha ng permit, dapat rin na lampas sa 1.5 kilometrong layo mula sa shoreline ang pagkuha ng buhangin.

Pero sa dredging operation sa lugar, napag-alaman na nasa 100 meters lamang ang layo nito mula sa shoreline.

"Pero sa MGB Office, there is no way makakuha sila ng permit para sa ganyan na activity. Hintayin natin ang confirmation, kung wala silang permit, pwede natin sila ipahinto, citing the Mining Act," ani Engr. Richard Aquino ng MGB XI.

May natumbok na na pangalan ang MGB XI na responsable sa operasyon base sa kanilang nakuha na video ngunit patuloy pa rin nila itong iniimbestigahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.