Mag-asawang matanda, pinagtataga ng sariling anak

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 03:03 PM

SIRUMA, Camarines Sur -- Wala nang buhay at tadtad ng taga ang mga katawan ng isang lalaki, 63 taong gulang, at asawa nito, 61 taong gulang, nang madiskubre sa kanilang tahanan.

Lunes ng umaga natagpuan ng pulisya ang bangkay ng dalawa sa kubo na pag-aari ng mga biktima sa Barangay Mabuhay, Siruma, Camarines Sur.

Nahuli ng pulisya sa pinangyarihan ang suspek na anak ng mag-asawa. Kinilala itong si alyas "Robert" na 27 taong gulang.

Ayon kay Senior Inspector Joennel Legaspi, dalawang oras bago ang insidente ay nakita pa umano ng mga tao sa barangay ang nanay at nakiki-usap ito sa mga ka-barangay na disarmahan ang "sinusumpong" na suspek na may dalang itak.

Ayon sa kamag-anak, may problema sa pag-iisip ang suspek.

Wala namang maipakita ang pamilya sa pulisya na dokumento bilang pruweba na may sakit ito sa isip at hindi rin matukoy kung naipagamot ito sa doktor.

Kasong parricide ang isasampa laban sa suspek. --Ulat ni ‎Jessa Mylce Mella‎, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.