Lolo patay matapos barilin ng riding-in-tandem sa QC

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 07:49 AM

MAYNILA - Patay ang isang lolo matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Lunes.

Kinilala ang biktima na si Vicente Barlentangco, 79-anyos, isang opisyal ng homeowners association.

Kuwento ng kaniyang asawa na si Sancha, lumabas siya ng bahay para bumili ng kanin.

Pagbalik niya ay tumambad na ang duguang katawan ng biktima sa harap mismo ng kanilang bahay.

Hinala ni Sancha, away sa lupa ang motibo sa pamamaslang. 

Mayroon umanong umaangkin ng kanilang lupa sa likod ng kanilang bahay.

Nitong nakaraang linggo, pinagharap pa raw sila sa barangay matapos silang magtalo sa nasabing lupa.

Kuwento naman ng isang testigo, nagkunwari pang bibili ng prutas ang gunman at naglakad papasok sa kalsada.

Matapos ang ilang putok ng baril, nakita niyang lumabas ang salarin na naka-angkas na sa motorsiklo.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang insidente. - ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.