'Katapusan' ni Bello sa gabinete, idinikit sa 'endo'

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 11:49 PM

Matapos hindi pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order (EO) na inaasahan sanang tatapos sa "end of contract" o "endo," naniniwala ang isang mambabatas na aalis na sa gabinete ng Pangulo si Labor Secretary Silvestre Bello III.

Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin, gagawing "fall guy" ang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa naudlot na kautusan laban sa kontraktuwalisasyon.

"Du'n sa isyu ng endo, si Sec. Bello will be on his way out, we have received reports. Unang-una ang style ni Duterte, he always looks for a fall guy, that is his way of governance," ani Villarin.

Ayon pa kay Villarin, dumaan na sa limang draft ang EO na awtomatiko sanang makakapag-regular sa may 300,000 manggagawa.

Sa panayam naman sa DZMM, sinabi ni Bello na matagal nang ugong-ugong ang balitang papalitan siya ni Duterte.

"Matagal nang balita po 'yan. Kako malinis ang konsensiya ko, nasa pangulo natin 'yan," sabi ng opisyal.

Iginiit naman ng grupong Sentro ng mga Nagkakaisa at Progesibong Manggagawa (Sentro) na dapat ay pirmahan ni Duterte ang EO laban sa kontraktuwalisasyon.

Ayon sa grupo, hindi na umano dapat ipasa pa sa mga mambabatas ang paglaban sa endo.

Sinabi naman ni Senate labor committee chair Joel Villanueva na magpapasa sila ng batas na tatapos sa pang-aabuso ng kontraktuwalisasyon, pero kailangan aniya ang suporta ng mga labor group.

Nauna nang sinabi ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na pagpatay sa mga industriya sa bansa ang paglalabas ng EO laban sa kontraktuwalisasyon.

--Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.