Higit 11,000 sako ng bigas mula Isabela, paparating na sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 06:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sakay ng 17 trak, ibiniyahe na pa-Maynila nitong Lunes ang higit 11,000 sakong bigas mula Isabela bilang pag-alalay sa kawalan ng nabibiling National Food Authority (NFA) rice sa National Capital Region (NCR).
    
Ito ay parte ng ipinangakong suporta ng Isabela Rice Millers Association sa gobyerno habang hindi pa dumarating ang inangkat na bigas ng NFA.

"Ito 'yung bigas na ipapadala sa NCR, ito 'yung kanilang commitment...Ibebenta ito sa merkado sa halagang P39/kilogram," ani NFA-II regional director Mario Gonzales.

Ayon sa president ng Isabela Rice Millers Association, unang batch pa lang ito at masusundan pa raw dahil 100,000 sako ng bigas ang ipinangako nila para sa buwan ng Abril.
    
Kung kakailanganin, maaari pa raw nila itong dagdagan hangga't di pa dumarating ang imported rice ng NFA.

Tiniyak naman ng NFA na walang mananamantala sa presyo dahil merong designated outlet na maaaring magbenta nito.

"Meron kaming binuong monitoring team together with Department of Agriculture (DA) and Department of Trade and Industry (DTI) para i-monitor 'yung outlet," paniguro ni Gonzales. 

--Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.