Grab driver, inireklamo ng pasaherong 'kinuhanan ng maseselang retrato'

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 07:07 PM | Updated as of Apr 25 2018 12:25 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang babaeng pasahero ang nagreklamo nitong Martes sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos umano siyang kuhanan ng maseselang retrato ng Grab driver nang makatulog siya sa kotse.

Kuwento ng 18 anyos na si "Celine," nakatulog siya sa sinasakyan habang papauwi noong Abril 13, alas-singko ng madaling araw. 

Dahil nakapalda, humiga umano si Celine at ipinatong ang kaniyang bag sa ibabaw ng palda.

"Para in case na lumingon 'yong driver at gisingin ako, hindi makikita 'yong underwear ko," sabi ni Celine sa panayam ng ABS-CBN News.

Ikinagulat ni Celine nang malamang hindi pa siya nakararating sa kanilang bahay nang magising makalipas ang isang oras.

Nakiusap si Celine na ibalik na lang siya kung saan siya sinundo at pumayag na magbayad ng dobleng pasahe na P354. 

Nagulat din ni Celine nang biglang humingi pa umano ng dagdag ang tsuper nang ibaba siya.

Dahil low battery na ang kaniyang cellphone, bago bumaba, nakigamit siya ng cellphone ng tsuper para makausap ang kaibigang susundo sa kaniya. 

Kinaumagahan, natuklasan ni Celine na hindi siya naka-log out sa cellphone ng tsuper at aksidenteng nagamit ng tsuper ang kaniyang account.

Kinuhanan pala siya ng tsuper ng mga maseselang retrato habang siya'y tulog sa kotse at pinadala ito sa kaibigan.

"Nagtaka ako bakit mayroon akong chinat na hindi ko kilala. When I opened the chat, it was actually inappropriate pictures of me," ani Celine.

Bukod dito, nawalan daw siya ng pera sa kaniyang bag.

Nagsumbong sa Grab si Celine at makalipas ang isang linggo'y ipinatawag ang tsuper, na humingi ng paumanhin sa dalaga.

"I just want justice lang for what has happened to me," ani Celine.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa Grab, banned ang naturang tsuper matapos ang kanilang imbestigasyon.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng NBI ang kaso.

Nakatakdang ipatawag ng ahensiya ang tsuper at ang kaibigan nitong pinagpadalhan ng retrato.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.