Binatilyong nagbantang ipapakalat ang scandal ng dating nobya, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 04:02 AM

DIPOLOG CITY, Zamboanga del Norte - Arestado ang isang binatilyo matapos umano niyang pagbantaan ang dating nobya na ipapakalat ang pribadong video nito sa social media.

Nahuli nitong Sabado sa isang entrapment operation ang 18-anyos na suspek matapos niyang tinanggap ang P500 kapalit ng video.

Ayon kay Chief Insp. Evelyn Porras, hepe ng Women and Children Protection Desk ng Dipolog police, nang-blackmail umano ang binatilyo sa girlfriend nito na menor de edad pa.

Depensa naman ng suspek, nagawa niya ito matapos umano siyang iwan ng dating nobya kapalit sa ibang lalaki.

Bilang higanti, binantaan niya ang biktima na ipapakalat ang umano'y pribadong video nito kapalit ng pera.

Mahaharap ang suspek sa kasong robbery extortion at paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009. - ulat ni Dynah Diestro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.